Sinabi ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na ngayon lamang niya nakilala ang GenCorp Industries Inc. matapos mabanggit ang kumpanya sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.

Sa direct examination ng House prosecution, sinabi ni Mayor Baste na bago ang impeachment proceedings ay hindi siya pamilyar sa GenCorp.

Ito ay kahit ilang taon nang may transactions ang kumpanya sa Davao City government at sa nauna niyang pahayag, sinabi mismo ng alkalde na umabot sa 19 transactions na nagkakahalaga ng mahigit P33 million ang naging transaksyon ng lungsod sa GenCorp.

Nang linawin ni private prosecutor Atty. Ted Te kung limitado lamang sa mga nabanggit sa impeachment court ang kanyang kaalaman tungkol sa GenCorp, sumagot ng “Yes” ang alkalde.

Hindi rin umano alam ni Mayor Baste na idineklara ni VP Sara ang GenCorp bilang isa sa kanyang business interests sa 2024 at 2025 Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).

-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma rin ng alkalde na bilang mayor, siya ang head of the procuring entity ng Davao City government at kabilang sa kanyang kapangyarihan ang pag-apruba sa annual procurement plan at pagtalaga sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee.

Gayunman, sinabi ni Mayor Baste na hindi niya personal na pinirmahan ang mga kontratang tinukoy sa kanyang September 21 statement at sa halip ay nilagdaan ang mga ito ni Assistant City Administrator for Administration Atty. Tristan Dwight Domingo.

Sa pagtatanong ng prosecution, sumang-ayon naman si Mayor Baste na kahit na-delegate ang kanyang signing authority, hindi nito naililipat ang kanyang accountability bilang head of the procuring entity (HOPE) at nananatili siyang final accountable officer.

Idineklara ng Senate Impeachment Court si Mayor Baste bilang ‘hostile witness’ matapos matukoy ang kanyang adverse interest, kaya pinayagan ang prosecution na gumamit ng leading questions sa kanyang direct examination.