TUGUEGARAO CITY- Nilinaw ni Mayor Miguel Decena ng Enrile, Cagayan na hindi niya kinukuestion ang itinurok na SPUTNIK V vaccine kontra covid-19 sa ilang residente ng kanilang bayan ng Department of Health dahil aprubado ito ng nasabing ahensiya at ng Food and Drug Administration.
Sinabi ni Decena na ang kanyang inalmahan ay ang lugar kung saan isinagawa ang pagbabakuna na ginawa sa isang pribadong hotel dito sa lungsod ng Tuguegarao.
Ipinaliwanag niya na hindi na sana siya magrereklamo kung wala ring nakarating sa kanya ng mga reklamo mula sa mga napasama sa mga mababakunahan ng SPUTNIK V.
Ayon sa kanya, partikular na reklamo ay ang kawalan ng ilan sa mga ito ng kakayahan na pumunta sa vaccination site sa Tuguegarao dahil sa wala silang sasakyan at mahal ang pamasahe.
Binigyan diin ni Decena na maaari naman sanang isinagawa na lamang ang pagbabakuna sa vaccination site ng Enrile sa kanilang Regional Health Unit na accredited ng DOH.
Bukod dito, mayroon din silang cold storage facility para sa nasabing uri ng bakuna.
Reaksion naman ito ni Decena sa nalaman niyang impormasyon na freezer ng DOH ang ginamit para sa SPUTNIK V.
Idinagdag pa ni Decena na wala rin siyang natanggap na anomang written communication mula sa DOH para sa nasabing pagbabakuna bagamat maaaring nakipag-ugnayan ang ahensiya sa Municipal Health Unit.
Nagpaliwanag naman si Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City kaugnay sa pagtanggi ng City Health Office na tanggapin ang SPUTNIK V o Gamaleya vaccine laban sa covid-19.
Sinabi ni Soriano na hindi tinanggap ang nasabing bakuna dahil sa walang cold storage facility ang lungsod na negative 18- 20 degrees celcius na kailangan ng nasabing bakuna.
Bukod dito, sinabi ni Soriano na kailangan din na sa loob ng dalawang oras ay maiturok na ang nasabing bakuna na hindi rin kaya ng vaccination team ng lungsod.
Dahil dito, sinabi ni Soriano na dapat na ang director ng DOH Region 2 ang magpaliwanag ukol sa pagkakapasok ng nasabing bakuna dahil sa kanyang pagakakaalam ay wala ring cold storage facility na angkop para sa SPUTNIK V ang ahensiya.
Kaugnay nito, sinabi ni Soriano na ang kaya lamang na tanggapin na bakuna sa lungsod ay ang SINOVAC at Aztrazenca.
Sa katunayan, ngayong araw o bukas ay may darating na nasa 10, 000 na SINOVAC at susunod naman ang karagdagang Aztrazeneca.
Naging kontrobersiyal ang nasabing bakuna dahil sa kabila na tinanggihan ng Tuguegarao ay isinagawa pa rin umano ng DOH ang pagbabakuna sa SPUTNIK V sa ilang residente ng Enrile sa isang pribadong hotel dito sa lungsod.