Tiniyak ni Mayor Joan Dunuan ng Baggao, Cagayan ang commitment ng kanyang administrasyon sa mga isinusulong na programa ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y kaugnay sa naging habilin ng Pangulo sa ipinatawag na pulong sa mga mayor at gubernador sa buong bansa, kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng alkalde na paiigtingin niya ang kanyang suporta sa mga adbokasiya ng pamahalaan laban sa illegal drugs, korapsyon, kriminalidad, at iba pa.

Sa katunayan, sinabi ni Dunuan na sa kanyang pag-upo bilang bagong alkalde ay unti-unti na niyang sinisimulan ang mga pagbabago sa bayan ng Baggao.

Binanggit nito ang kanyang political will sa pagpapatupad ng Anti-Red Tape Act sa lahat ng departamento lalo na sa mga front line services para masiguro ang maayos na serbisyo at maiwasan ang korapsiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Makakaasa rin aniya ang mga Baggaoeños na magiging mabilis ang mga proseso at transaksyon sa munisipiyo gamit ang makabagong teknolohiya.

Dagdag pa ng alkalde na unti-unti niyang ipatutupad ang mga pagbabago hanggang sa paghihigpit sa pag-isyu ng gas allowance.

Bukod dito, tiniyak ni Dunuan ang suporta ng LGU sa pagbibigay ng tulong-pangkabuhayan sa mga tokhang responders na nagtapos sa Community Based Rehabilitation Program para sa kanilang pagbabagong-buhay.

Sa ngayon, patuloy ang drug clearing operation ng LGU at PNP kung saan nasa 50% na ang nakapagdeklara ng Drug Free Barangay na patuloy na minomonitor ng mga otoridad.