Hinamon ni City Councilor Claire Callangan si Mayor Maila Ting Que na sagutin ang mga katanungan ng city council kaugnay sa planong pagbili ng lupa na nagkakahalaga ng P35M para gawing tricycle terminal sa Tuguegarao City sa halip na ilahad ang usapin sa social media.

Iginiit ni Callangan na hindi sila obstructionist dahil tungkulin ng konseho na alamin ang mga nakapaloob sa naturang proyekto upang hindi masayang ang pondong ilalaan para rito.

Bumuwelta rin si Callangan sa mga naging pahayag ng alkalde sa kanyang Facebook post na umanoy pawang paninira ang ginagawa sa konseho sa halip na sagutin nito ang inilabas na commitee report at mga suhestyon kaugnay sa bibilhing lupa para sa tricycle terminal.

Nanindigan naman si Callangan na patuloy na kukwestyunin ng konseho ang kawalan ng feasibility study sa planong pagbili ng lupa na may sukat na 1,057 square meters na matatagpuan sa likurang bahagi ng barangay hall ng Centro 10 at kung akma ba ito na gawing terminal.

Bagamat naiintindihan ng konseho ang pangangailangan ng terminal subalit kailangan ring ikonsidera ang pagpayag rito ng mga TODA kung nais nilang lumipat sa naturang terminal at kung kakasya ba sa naturang sukat ng lupain ang nasa halos 8, 000 na registered tricycle o kahit pa 2, 000 tricycle na namamasada sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni Mayor Que na hindi na kailangan ng feasibility study dahil hindi naman uutangin ang pambili ng lupa at hindi rin ito gagawing negosyo ng pamahalaang panglungsod kundi para mailipat ang iba’t-ibang TODA terminal na maaapektuhan sa nalalapit ng road clearing operations na isasagawa ng Department of the Interior and Local Government.

Sinabi ni Que, na bago inendorso ang isyu sa konseho ay dumaan sa legal na proseso ang naturang plano kung saan naglabas ng resolusyon ang appraisal commitee na nagrerekomenda ng pagpasok ng kasunduan sa pagitan ng city goverment at Arugay Family na siyang may-ari ng lupa.

Hindi rin aniya madaling bahain ang naturang lugar dahil ang lokasyon nito ay sa tabi at hindi sa likod ng barangay hall ng Centro 10, taliwas sa naging pahayag ni Councilor Callangan.

Dagdag pa ng alkalde na laging bukas ang kanyang opisina para talakayin ang naturang isyu kaugnay sa mga naging rekomendasyon ng konseho sa pagbili ng lupa upang gawing tricycle terminal.

Gayunman may plan b na rin umano ang pamahalaang panglungsod para sa mga tricycle drivers na may terminal sa Centro 7 na unang maaapektuhan ng road clearing operations.