Isa si mismong Aparri Mayor Bryan Dale Chan sa mga pinangalanang person of interest ng Philippine National Police sa pananambang kay dating Aparri Vice Mayor Rommel Alameda noong Pebrero ngayong taon.

Ito ang inihayag ni Police Lieutenant Colonel Arbel Mercullo sa ginanap na Senate inquiry hinggil sa nasabing krimen kung saan binanggit din niya na itinuturing din na persons of interest sa krimen ang iba pang mga indibidwal na may kaugnayan sa alkalde.

Paliwanag ni Mercullo, ikinokonsidera ngayong person of interest si Chan nang dahil sa posibilidad nang angulong politikal sa naturang pananambang.

Kabilang din aniya dito si Darren Cruz Abordo na siyang nagmamay-ari ng get-away vehicle na ginamit sa naturang krimen ngunit sa ngayon ay hindi na ito mahanap.

Ngunit sa kabila nito ay sinagot naman ni Mayor Chan na dalawa sa mga binanggit na pangalan ni Mercullo ay hindi nya kilala.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sa kaparehong pagdinig ay sinabi naman ng maybahay ng yumaong bise alkalde na si Elizabeth Alameda na dati nang pinagbantaan umano ni Chan ang mga taong magtatangkang maghahain ng kaso laban sa kaniya kabilang na ang kaniyang asawa.

Bagay na mariin namang pinabulaan ng alkalde kasabay ng pagdepensa na wala siyang anumang natatanggap na anumang reklamong inihain laban sa kaniya sa Office of the Ombudsman.

Kung maaalala, patay sa pananambang ng armadong grupo ang van na sinasakyan ni Alameda kasama ang lima pang indibidwal sa Sitio Kinacao, Barangay Beretbet , Bagabag, Nueva Vizcaya.

Samantala, hindi na umano ikinagulat ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pagkakadawit ni Chan sa pagpaslang kay Alameda at sa limang iba pa.

Ayon kay Mamba, masaya siya dahil kahit mabagal ang hustisya ay umuusad na rin ang kaso ng tinawag nilang Aparri six.

Nagpapasalamat siya kay Senator Ronald Dela Rosa dahil sa isinasagawa nilang pagdinig ay unti-unti na ring nabibigyan ng linaw ang naturang kaso at naniniwala siya na lalabas ang katotohanan at makasuhan at makulong ang mga taong talagang sangkot sa krimen.

Hindi aniya ito ordinaryong krimen dahil sa klase ng pagpatay sa mga biktima kaya maganda na unti-unti nang nalulutas ang kaso para hindi na maulit.