Kinumpirma ngayong araw ni Mayor Carmelo Villacete ng Piat, Cagayan na nagpositibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kanyang facebook post, nagpasalamat ang alkalde sa ipinapakitang suporta, pagdarasal at pang-unawa mula sa kanyang mga kababayan sa kabila ng kanyang karamdaman.
Kasabay nito, inanunsiyo ni Dr. Leticia Cabrera ng Department of Health (DOH) RO2 ang ika-21 kaso ng nagpositibo sa naturang sakit na si PH2764, 57-anyos ng Piat, Cagayan na may travel history sa Manila.
Nagsimula aniyang nakaramdam ng sintomas ang pasyente noong March 7, 2020 hanggang sa nagpa-admit ito sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) noong March 26 at nakuhanan ng specimen sa parehong araw.
Ngayong araw nang lumabas ang resulta na positibo ito sa virus kung saan maayos naman umano ang kanyang kalagayan kalagayan sa COVID ward sa CVMC.
Samantala, sinabi ni Cabrera na 6 na ang nag-negatibo o gumaling sa sakit kung saan tatlo na ang nakalabas sa pagamutan.