Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan na preventive suspension si Mayor Jing Capil, siyam na iba pang elected officials at isang licensing officer ng Porac, Pampanga dahil sa gross neglect of duty may kaugnayan sa operasyon ng Philippine offshore gaming operator (Pogo) sa kanilang mga bayan.

Si Capil ang ikalawang alkalde kasunod ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo na pinatawan ng parusa ng Ombudsman dahil sa illegal operations ng Pogos.

Bukod kay Capil, pinatawan din ng suspension ng Ombudsman ni Vice Mayor Francis Laurence Tamayo at Emerald Vital, ang officer-in-charge ng business permit and licensing office (BPLO).

Sinuspindi rin sina municipal councilors Rohner Buan, Rafael Canlapan, Adrian Carreon, Regin Clarete, Essel Joy David, Hilario Dimalanta, Michelle Santos at John Nuevy Venson.

Ayon sa Ombudsman, pinatawan ng suspension ang mga nasabing opisyal dahil sa kawalan ng aksiyon at kabiguan na ipatupad ang kanilang tungkulin matapos na payagan na ipagpatuloy ng Lucky South 99 ang operasyon sa kabila ng maraming paglabag, kabilang ang pagbibigay ng business permit noong 2021, 2022, at 2023, na hindi nakatugon sa kailangan na regulasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ng Ombudsman na ang lisensiya ng Lucky South 99 mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor)ay nagpaso na, at kinumpirma ng BPLO na walang business permit ang nasabing Pogo firm ngayong 2024.