Posibleng maharap sa kasong carnapping ang tinanggal na mayor ng Cebu City na si Michael Rama kung hindi pa rin ibabalik ang sasakyan na pagmamay-ari ng pamahalaan.

Sinabi ni Mayor Raymond Alvin Garcia na posibleng sampahan ng kaso si Rama kung hindi pa rin niya ibabalik ang sasakyan sa city hall.

Kinumpirma ni Garcia na pinag-aaralan na ng Cebu City Legal Office ang posibleng legal actions laban kay Rama, kabilang ang kasong carnapping sa ilalim ng Anti-Carnapping Act of 1972.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang carnapping ay ang pagkuha ng sasakyan na pagmaymay-ari ng iba, na walang pahintulot, at sa intension na ariin ito.

Kinumpirma ng Cebu City government kagabi na ang Toyota Hiace Super Grandia na 14-seater van na nagkakahalaga ng P3 million ay nananatili sa pag-iingat ni Rama.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ay sa kabila ng demand letter na inilabas noong Feb 19, na nagbibigay kay Rama ng 24 oras na ibalik ang sasakyan.

Nagtapos ang palugit kay Rama noong February 20 na hindi pa ibinabalik ang sasakyan.

Lumala ang sitwasyon nang pumunta sa city hall si Rama kahapon at kinompronta si City Legal Officer Santiago Ortiz Jr. hinggil sa utos na pagbawi sa sasakyan.

Binatikos niya ang administrasyon ni Garcia, at tinawag niya ang demand letter na isang uri ng “tyranny and oppression.”

Naging kalmado naman ang sagot ni Ortiz, at sinabing ginagawa lamang niya ang kanyang tungkulin at huwag itong gawing personal.

Sa kabila nito, iginiit ni Mayor Garcia na dapat na maibalik ang lahat ng mga sasakyan na nasa pag-iingat ni Rama na pagmamay-ari ng LGU.