Inihatid na sa kanyang huling hantungan si Mayor Joel Ruma ng Rizal, Cagayan ngayong tanghali.

Halos isang libo na mamamayan ng Rizal ang dumalo sa libing ng alkalde, kung saan ay halos mapuno ang simbahan sa isinagawang misa ng paglilibing.

Inilarawan ng mga ito na isang mabait, makatao na lider, at marami umano natulungan si Ruma.

Sumama rin ang mga ito sa paghahatid kay Ruma sa kanyang huling hantungan sa Rizal public cemetery.

Matatandaan na binaril-patay si Ruma sa kanyang campaign rally sa Barangay Iluru Sur noong gabi ng April 23.

-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma naman ng PBGEN Antonio Marallag Jr., director ng Police Regional Office 2 na isang sniper ang bumaril kay Ruma, batay na rin sa trajectory ng bala at sa mga saksi.

Sinabi ni Marallag na patuloy ang kanilang masusing imbestigasyon sa nasabing insidente na itinuturing nila na election-related incident.

Samantala, itutuloy ng panganay na anak na si Jamila Ruma ang kandidatura ng kanyang ama.

Nakapagsumiti na rin ng mga kaukulang dokumento sa Comelec Rizal ang nakababatang Ruma.

Si Jamila ang pinakabatang mayoralty candidate sa lalawigan sa kaniyang edad na 21, kung saan ka-tandemn nito ang kaniyang ina na si Vice Mayor Atty. Brenda Ruma na tumatakbo muli sa pagka-bise alkalde.