Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) sina incumbent Urdaneta, Pangasinan Mayor Rammy Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno sa umano’y “kissing auction” na nangyari sa isa sa kanilang campaign activities.

Naglabas ang Comelec Task Force SAFE ng show cause order laban sa dalawang Parayno sa mga ulat na tumawag sila ng isang matandang babae at nagsagawa ng bidding para sa kanyang halik kapalit ng cash.

Nagsimula umano ang bidding sa P1,000 at umabot umano sa P5,000.

Nai-post sa social media, na itinuring ng Comelec na gender-based harrassment ang nasabing insidente.

Ayon sa Comelec, kung mabibigo ang mga ito na magpaliwanag ay maghahain sila ng karapat-dapat na kaso laban sa mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, naglabas din ang Comelec Committee on Kontra Bigay ng show cause order laban kay Laoag, Ilocos Norte mayoralty candidate Michael Keon dahil sa umano sa vote-buying.

Ang kautusan ay nag-ugat sa ulat sa komite at maging sa social media pot noong May 8 na nagpapakita sa isa niyang supporter na hinuli dahil umano sa vote-buying.

Binigyan ng tatlong araw si Keon para magsumite ng kanyang tugon sa nasabing kautusan ng Comelec.

Kaugnay nito, sinabi ng Comelec Committee on Kontra Bigay na nakatanggap sila ng mahigit 400 na sumbong ng vote-buying, vote-selling, at abuse of state resources para sa midterm elections.