
Nilinaw ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que ang ipinatutupad na sistema ng pamahalaang panlungsod sa pamamahagi ng family food packs sa mga kabahayan sa lungsod ng Tuguegarao.
Ayon sa alkalde, ang pangunahing batayan ng lokal na pamahalaan sa pagkakaloob ng tulong ay kada household o bawat tahanan, at hindi batay sa dami ng indibidwal sa isang pamilya.
Aniya, layunin ng sistemang ito na masigurong pantay at maayos ang pamamahagi ng tulong, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ipinaliwanag ni Mayor Ting-Que na ang ginamit na datus ng pamahalaang panlungsod ay mula sa isinagawang census ng Philippine Statistics Authority o PSA Region 2, kung saan lumabas na may humigit-kumulang 38,000 households mula sa 49 barangays ng Tuguegarao City.
Gayunman, sinabi ng alkalde na mayroong pagkakaiba ang nasabing bilang kumpara sa mga datus na isinumite ng mga punong barangay, na umabot naman sa 48,000 households.
Dahil dito, nilinaw ni Mayor Ting-Que na uunahin munang bigyan ng family food packs ang mga kabahayan na nasa opisyal na talaan ng PSA, habang ang mga karagdagang household na isinumite ng mga barangay ay susunod na bibigyan ng tulong matapos ang masusing validation ng pamahalaang panlungsod.
Binigyang-diin ng alkalde na mahalaga ang prosesong ito upang maiwasan ang mga reklamo hinggil sa umano’y pamimili o pagpapabor ng ilang barangay officials o tagalista sa pamamahagi ng tulong, lalo na tuwing may sakuna.
Ibinahagi rin ng alkalde ang plano ng pamahalaang panlungsod na lumikha ng household ID system, na layong mapabilis ang pagtukoy sa mga karapat-dapat tumanggap ng tulong at maiwasan ang mga aberya sa pamamahagi ng ayuda.
Inihayag ni Mayor Ting-Que na kasalukuyang inaayos ng kanyang tanggapan, katuwang ang iba pang local officials, ang nasabing sistema bilang tugon sa mga reklamo ng ilang residente hinggil sa hindi umano patas na pamamahagi ng tulong.










