TUGUEGARAO CITY- Hinamon ni Mayor Carmelo Villaciete ng Piat, Cagayan ang covid-19 patients at DOH na ilahad sa publiko ang kanilang pagkakakilanlan.
Binigyan diin ni Villaciete na isa sa mga nagpositibo at gumaling na sa nasabing virus na walang kabuluhan ang mga ipinapatupad na preventive measures kung hindi ilalantad ang mga covid-19 positive.
Sinabi ng alkalde na dapat na i-waive ang patient confidentiality ng mga covid-19 positive para malaman ito ng mga tao at alam din nila kung ano ang kanilang gagawin.
Samantala, sinabi ni Villaciete na inakala niya na hindi siya makakarekober sa covid-19 dahil sa hirap na paghinga at hindi nakakatulog dahil sa kanyang ubo habang siya ay nasa isolation room sa ospital.
Dahil dito, binilinan niya ang kanyang asawa na dalhin sa kanya ang kanyang bagong sapatos at paboriting damit dahil sa ayaw niyang paa-paa at hindi maaayos na ililibing.
Sinabi pa ni Villaciete sa ilang araw niya sa isolation room ay tanging ang isang butiki ang kanyang kinakausap.
Gayonman, laking pasasalamat niya dahil sa nakarecober siya sa nasabing sakit at nakauwi na sa kanilang bahay.