Mayorya ng mga kolehiyo at unibersidad sa Region 2 ang nagpahayag ng intensyon para sa in-person classes sa pagsisimula ng School year 2022-2023 ayon sa Commision on Higher Education (CHED).
Bagamat hindi inoobliga sa face to face classes, sinabi ni Regional Director Atty Marco Domingo ng CHED- Region 2 na batay sa datos mula August 8 ay nasa walong paaralan na lamang sa public at private Higher Education Institution ang hindi pa nagkukumpirma kung magpapatupad ng face to face classes o hybrid learning sa darating na pasukan.
Mula sa dalawamput-limang State Universities and Colleges, kabilang ang mga satelite campuses nito ay 11 ang magsasagawa ng full face-to-face classes at 13 para sa limited face to face clasess habang isa ang hindi pa nagkukupirma kung lilipat sa in-person classes.
Sa datos naman ng CHED sa private HEIs, 8 ang magsasagawa ng full face to face classes; 30 para sa limited at dalawa para sa full online habang pito pa ang hindi pa nagkukumpirma.
Kasabay nito, kinumpirma ni Domingo na dalawang paaralan na ang nakapagsimula ng kanilang academic year habang inaasahan namang sa huling Linggo ngayong buwan o unang Linggo ng Setyembre ang pagbubukas ng klase ng ibang kolehiyo at state universities.
Pero nilinaw ni Domingo na mananatili pa rin ang pagsunod sa minimum public health standards gaya ng face mask, regular disinfections at maayos na bentilasyon sa mga silid-aralan.
Sa ngayon, 95% sa mga guro at non-teaching personnel sa tertiary level ang bakunado na sa COVID-19 sa Region 2 na isa sa may pinakamataas na vaccination rate sa buong bansa.