Tiniyak ng Regional Explosive Ordnance and na ligtas at walang natagpuang pampasabog sa kampus ng Medical Colleges of Northern Philippines–International School of Asia and the Pacific (MCNP–ISAP) matapos kumalat ang ulat ng bomb threat laban sa naturang paaralan.
Ayon kay Police Captain Elias Alluag Mangoma, lumabas sa paunang imbestigasyon na nagmula ang impormasyon mula sa isang dummy account sa social media.
Batay sa post, may tatlong kalalakihang umano’y nakita bandang 12:40 a.m. sa likod ng paaralan, kung saan ang isa ay naglalagay ng kahina-hinalang bagay sa MCNP building at ang dalawa pa ay pumasok sa isa pang gusali na parehong nakasuot ng black hooded jackets.
Agad na nakipag-ugnayan ang pamunuan ng MCNP–ISAP sa Philippine National Police (PNP) Cagayan Provincial Explosives Ordnance Disposal (EOD) and Canine Unit.
Matapos ang masusing inspeksiyon ng mga awtoridad, kinumpirma na walang natagpuang anumang eksplosibong device sa loob ng paaralan.
Sa kasalukuyan, pinaniniwalaan ng mga imbestigador na ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay sinadyang gawin upang manakot at magdulot ng panic sa komunidad.
Patuloy na tinutukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng nasa likod ng dummy account upang mapanagot sa batas.