TUGUEGARAO CITY – Bukas sa darating na mahal na araw ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan para i-accommodate ang mga migrant workers na boboto para sa overseas absentee voting na nagsimula ngayong araw na ito.
Ito ang binigyang diin ni Gilda Banugan ng Migrante International sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao kung saan labis ang kaniyang pasasalamat dahil pinakinggan umano ng MECO ang kanilang kahilingan.
Ayon kay Banugan na araw-araw nang bukas ang MECO sa Taiwan hanggang sa matapos ang overseas absentee voting sa Mayo 13 kumpara sa mga regular days na may schedule na araw ang pagbubukas.
Ikinatuwa naman aniya ito ng mga Pinoy Workers sa Taiwan dahil ang ilan sa mga ito ay saka lamang nagkakaroon ng oras na lumabas tuwing day-off na natataon naman sa linggo habang ang ilan ay tuwing holiday.
Umaasa si Banugan na lahat ng mga migrant workers sa nasabing bansa ay makikiisa sa absentee voting dahil wala ng rason na hindi makaboto ang mga ito.
Nabatid na higit 40,000 migrant workers ang nakabase ngayon sa Taiwan batay sa isinagawang registration nuong 2018.
Sa ilalim ng OAV, puwedeng bomoto sa pamamagitan ng VCM, manual vote posting, at personal voting.
Gayunman, ang puwede lamang iboto ng mga Pinoy na nasa ibang bansa ay ang mga kandidato sa national position, partikular ang 12 senador at isang party-list group.