TUGUEGARAO CITY- Nakaambang ipairal muli ang Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ sa lungsod ng Tuguegarao sa mga susunod na araw.

Binigyan diin ni Mayor Jefferson Soriano na ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng covid-19 nitong mga nakalipas na araw.

Ayon sa kanya, kahapon ay 66 ang new cases sa Tuguegarao at ngayong araw na ito ay tumaas sa 75.

Iginiit ni Soriano na nakakabahala na ang patuloy na surge ng covid-19 cases sa lungsod kaya kailangan nilang gumawa ng kaukulang hakbang upang ito ay mapigilan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, mag-oobserba sila hanggang Linggo at kung hindi pa rin mapababa ang kaso ng sakit ay hihilingin niya kay Governor Manuel Mamba na magpatupad ng MECQ sa lungsod.

Ayon sa alkalde na ang nakikita nilang dahilan ng pagtaas ng kaso ng virus ay dahil sa mga hindi pagsunod sa mga minimum health protocols.

Tinukoy ni Soriano ang isang bahay na may nakatirang 12 na nagpositibo sa virus at ang isang lalaki na nakisakay para pumunta sa ospital na hindi niya sinabi na siya ay positive sa covid-19.

ang tinig ni Mayor Soriano

Kaugnay nito, sinabi ni Soriano na bagamat wala pang Delta variant ng covid-19 sa lungsod ay dapat na dagdagan pa ng mga mamamayan ang kanilang pag-iingat.