Ipinag-utos ni Cagayan Police Provincial Director Col. Ariel Quilang ang istriktong implementasyon ng mga alituntunin kasabay ng pagsailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine sa buong lalawigan.
Sa ginanap na emergency command conference, inatasan ni Quilang ang mga station commanders sa lalawigan na mas mahigpit na ipatupad ang pagbabantay sa komunidad laban sa mga lumalabag sa health protocols na dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Kailangan din aniya ang pagkakaroon ng ‘intelligence build up’ upang mapalakas ang pwersa sa monitoring kaugnay sa mga aktibidad ng komunidad.
Bukod dito, paiigtingin din ng pulisya ang pagbabantay sa quarantine controlled points, boundary to boundary checkpoints pati na ang pagpapatrolya upang matiyak na sumusunod ang publiko sa ipinatutupad na health protocols kontra COVID-19.
Paalala ni Quilang sa mga empleyadong papasok sa trabaho na dalhin ang kanilang Identification card at iba pang mga dokumento para makadaan sa checkpoint habang ang mga taong lalabas para sa essential goods at services naman ay mahigpit na sasalain.
Sa ilalim din ng MECQ ay ipatutupad ang curfew sa buong lalawigan.
Hiningi rin nito ang kooperasyon ng mga residente upang matulungan ang mga frontliner sa paglaban sa COVID 19 at mawakasan na ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.