One Enrile News and Events

Ilulunsad ang malawakang contact tracing kasabay ng pagsasailalim sa bayan ng Enrile sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) simula April 28 hanggang May 7, 2021.

Ang sampung araw na MECQ ay inaprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force batay na rin sa rekomendasyon ng lokal na pamahalaan upang mapabilis ang isasagawang contact tracing sa mga nagpositibo na layong mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Miguel Decena, Jr na bagamat bumaba na sa 32 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 mula sa 43 noong nakaraang Linggo ngunit posibleng tataas pa ang kaso sa isasagawang contact tracing.

Nauna na ring ipinatupad ang zonal containment strategy sa mga apektadong barangay at inaasahang makakatulong din ang implementasyon ng MECQ para maagapan ang pagdami ng kaso.

Sa ilalim kasi nito, sinabi ni Decena ay mas istriktong mga panuntunan ang ipatutupad gaya ng liquor ban at curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga.

-- ADVERTISEMENT --

Papayagan lamang lumabas ang mga kukuha ng mga pagkain at iba pang serbisyo o di kaya ang mga pinapayagang magtrabaho sa labas ng bahay na bibigyan ng travel pass na maaaring makuha sa itinalagang opisina sa public market.

Habang ang mga residenteng nasa ilalim ng zonal containment ay maaaring iutos ang pagbili o pagkuha ng essentials sa mga Brgy officials.

Mahigpit din na ipinagbabawal ang paglabas ng mga kabataan na edad 18 pababa at mga senior citizen na edad 65 pataas, gayun rin ang mga taong may immunodeficiency, comorbidity, at iba pang health risk at mga buntis.

Ipagbabawal rin muli ang mga mass gatherings katulad ng fiesta, misa at iba pa at suspendido rin muli ang mga public transporation tulad ng tricyle.

Pagtitiyak naman ni Decena na magbibigay ng ayuda ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente.

Umaapela rin ang alkalde sa mga residente na makiisa sa isasagawang contact tracing at I-isolate ang sarili lalo na kapag magpositibo sa anti-gen test.