TUGUEGARAO CITY- Masyado pa umanong maaga para ibalik sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ ang Tuguegarao City mula umiiral na Modified Genaral Community Quarantine o MCQ.
Reaksion ito ni Mayor Jefferson Soriano sa rekomendasyon umano ng Department of Health na ilagay muli sa MECQ ang lungsod matapos na makapagtala ng 27 news cases ng covid-19 sa lungsod.
Sinabi ni Soriano na wala pang ibinibigay na abiso sa kanila ang DOH ukol dito.
Ayon kay Soriano ang panibagong kaso ay dahil sa family transmission sa Carig, Libag at Ugac Sur.
Sinabi niya na ang mga naunang nagpositibo sa covid-19 sa isinagawang aggressive community testing ay nahawaan nila ang miembro ng kanilang pamilya.
Subalit sinabi niya na nagpatupad na sila ng zonal containment sa mga lugar na may mga naitalang panibagong kaso ng covid-19.
Kasabay nito, sinabi ni Soriano na halos lahat ng mga tanggapan sa city hall ay isinara muna matapos na madagdagan ng apat ang dati ay dalawa na nagpositibo sa covid-19 na empleado ng city hall.
Ayon sa kanya, ang unang dalawa ay nagpositibo rin sa agreesive community testing kaya isinailalim ang mga empleado sa swab test at dito apat ang nadagdag na nagpositibo.
Sinabi ni Soriano na tanging ang treasury , assessors at kanyang tanggapan ang bukas ngayon subalit wala munang transaksion.
Vc soriano dec 5 b
Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na 88 ang active cases ng covid-19 ngayon sa Tuguegarao.
Samantala, sinabi ni Soriano na nananatili pa rin sa Annafunan East Elementary School ang nasa 100 pamilya na lumikas matapos ang muling pagbaha sa lungsod.
Ang mga nasabing residente ay mula sa core shelter sa Annafunan East dahil baha pa ang kanilang lugar.