Inaprubahan ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) ang kahilingan ng Municipal IATF na isailalim sa 10-days Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong munisipyo ng Solana, Cagayan mula sa naunang naaprubahan na ECQ.

Sa ilalim ng MECQ, sinabi ni Vice Mayor Meynard Carag na magiging mas mahigpit ang lokal na pamahalaan sa implementasyon ng granular lockdown at hindi nila papayagang lumabas ng bahay ang mga residenteng may nagpositibo sa virus na kasama sa bahay.

Sa paglipat mula GCQ papuntang MECQ, pinapaalalahanan ng bise alkalde ang lahat na limitado ang paglabas ng mga tahanan para sa essential travels lamang katulad ng pag-access sa ibat ibang goods at mga serbisyo at pagpasok sa trabaho sa mga industriyang pinapayagang mag-operate.

Dagdag pa niya na bawal pa rin ang mass gathering at pagdaraos ng mga party sa bahay na naging dahilan ng surge ng COVID-19 kung saan nasa mahigit 200 na ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Solana.

Sa ngayon ay inaayos na ng LGU ang karagdagan pang mga guidelines kaugnay sa ‘MECQ with granular lockdown’ kung saan target na maipatupad, bukas August 25.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang unang inaprubahan ng RIATF na isailalim sa pinakamahigpit na quarantine classification ang bayan ng Solana, subalit ibinaba ito sa MECQ sa naging apela ng LGU.