Tiniyak ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na magiging world class ang mga media sa bansa sa oras na maging ganap na batas ang inihaing House Bill 2476.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni USec. Joel Egco, executive director ng PTFoMS na batay sa panukala, sasailalim sa classification exam ang bawat miyembro ng media sa bubuuing komisyon.

Kada anim na buwan isasagawa ng komisyon ang pagsusulit, at ang mga hindi papasa ay isasailalim sa mga trainings at seminars.

Layunin rin ng panukala na maitaas ang sahod at magbigay ng benefit packages sa mga nasa media na itinuturing na ika-apat na estado sa lipunan.

Kung mababatid, ang PTFoMs ang nag-draft ng proposed “Media Workers Welfare Act” na inihain ni ACT-CIS Congresswoman Nina Taduran na magtatakda sa buwanang suweldo na P20,000 hanggang P60,000 sa mga nasa media industry.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Egco nararapat lamang na mabigyan ng magandang salary matrix ang mga mamamahayag na tulad sa tinatamasa ng iba pang empleyado at government sector.