TUGUEGARAO CITY- Tiniyak ng Cagayan Valley Medical Center na makakatanggap ang lahat ng kanilang mga medical health
workers sa ibinabang pondo ng pamahalaan para sa kanilang Special Risk Allowance (SRA).
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center chief ng CVMC, nasa P62 milyon ang nailaang pondo
para sa lahat ng mga medical workers sa naturang pagamutan kung saan aabot sa P30,000 ang matatanggap
ng bawat isa.
Aniya, hindi nakatanggap ng risk allowance na P5,000 kada buwan ang kanilang mga health workers mula
noong Disyembre 20, 2020 hanggang sa kasalukuyan kung kaya’t ito ang binuo ng ospital na siyang
ibibigay sa mga health workers.
Maliban na lamang umano kung may mga absent at leave na ibabawas din sa matatanggap na pera mula sa
kanilang SRA.
Sinabi ni Baggao na minamadali na ng kanilang tanggapan ang pamamahagi dahil mayroon lamang silang
hanggang bukas, Hunyo 30, 2021 para ito’y ibahagi kasabay ng pagtatapos ng Bayanihan 2 o ang
“Bayanihan to Heal as One Act” .
kaugnay nito, labis ang pasasalamat ni Baggao sa pamahalaan sa tulong at suporta sa lahat ng mga
health care workers na sila ang nangunguna sa paglaban sa covid-19.
Samantala, nasa 90 na covid-19 patients ang kasalukuyang binabantayan sa naturang pagamutan kung saan
76 ang kumpirmadong kaso habang 14 ang suspected.
mula sa mga aktibong kaso, 57 ay mula sa Cagayan kung saan may pinakamarami ang lungsod ng Tuguegarao
na 32 na sinundan ng Iguig na anim habang 14 ang mula sa Isabela at lima ang galing sa Cordillera
Administrative region.
Sinabi ni Baggao na malaki ang binaba ng bilang ng mga covid-19 patients na kanilang binabantayan
dahil sa pagpapatupad ng MECQ at pagsunod ng mga mamamayan ng minimun health standards.
Muli namang hinimok ni Baggao ang publiko na magpabakuna kontra covid para magkaroon ng proteksyon
laban sa virus.