Nilinaw ng International Criminal Court (ICC) Registry na ang medical officer ng korte ay walang awtoridad upang tasahin ang kakayahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa paglilitis.

Ayon sa dokumentong inilabas noong Setyembre 30, ang tungkulin ng medical officer ay limitado lamang sa pagbabantay sa pisikal at mental na kalagayan ng mga nakakulong, alinsunod sa regulasyon ng ICC Registry.

Ito ay kasunod ng hiling ng kampo ni Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber I noong Agosto 18 na ipagpaliban nang walang takdang panahon ang mga pagdinig dahil umano sa cognitive impairment ng dating pangulo.

Bagaman binanggit ng kampo ni Duterte na sinusuportahan ng medical officer ang findings ng kanilang sariling eksperto, binigyang-diin ng Registry na hindi saklaw ng mandato ng medical officer ang pag-assess kung fit ang isang detainee para sa paglilitis.

Gayunpaman, pinayagan ang medical officer na magbigay ng mga rekomendasyon ukol sa physical arrangements ng pagdinig batay sa kalusugan ni Duterte, kabilang ang iskedyul ng pag-upo sa korte at iba pang modaliti.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Registry, patuloy na imo-monitor ng medical officer ang mga ito araw-araw at agad ipaaalam ang anumang pagbabago sa korte, bagama’t hindi inilathala sa publiko ang ilang detalye sa dokumento.