Hinimok ng Metropolitan Tuguegarao Water District ang mga member consumer na patuloy na nakararanas ng maruming tubig sa gripo na makipag-ugnayan sa kanila.
Kasunod ito ng paabiso ng MTWD noong August 7, mula alas otso ng gabi hanggang alas dos ng madaling araw sa maruming suplay ng tubig sa Poblacion, Ugac Sur, Ugac Norte at ilang bahagi ng San Gabriel.
Paliwanag ni Engr. Miller Tanguilan, general manager ng MTWD na naapektuhan ang naturang mga Barangay sa lungsod bunsod ng bagong pipeline mula Atulayan hanggang Bagay Road.
Kailangang malinis ang linya nito sa pamamagitan ng flashing kung kaya nakaranas ng maruming tubig na lumalabas sa gripo ng ilang residente na nagtapos noong madaling araw ng August 8.
Ani Tanguilan, ang bagong pipeline o linya ng tubig ay may laki na 12 inches o 300mm na magdadagdag ng suplay ng tubig.
Pinayuhan ni Tanguilan ang mga residente na ipagbigay alam sa MTWD kung patuloy na nakararanas ng maruming tubig upang malinisan ang linya papunta sa metro ng tubig.