Huli ang dalawang menor de edad na estudyante sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga kapulisan sa Barangay Ugac Norte, Tuguegarao City, kagabi.
Kabilang sa mga nahuli si alyas ‘Bugoy’, 17-anyos na itinuturong lider ng “Tumaliuan group” na umanoy sangkot sa serye ng mga nakawan at motornapping sa lungsod at isang miyembro na 16-anyos.
Nakuha sa pag-iingat ng dalawang suspek ang isang aluminum foil na naglalaman ng tatlong rolyo ng mga pinatuyong dahon ng marijuana, P1,000 peso bill at isang unit ng cellphone.
Aminado naman ang mga suspek na gumagamit sila ng ipinagbabawal na gamot subalit itinanggi ang akusasyon ng pulisya na silay nagbebenta.
Sa ngayon nasa kostudiya na ng Tuguegarao City PNP ang mga nahuli na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
—with reports from John Andrew Caronan