Muling nahuli ng pambansang pulisya ang isang menor de edad na lalaking suspek na sangkot sa serye ng mga pagnanakaw sa lungsod ng Tuguegarao.
Kinilala ang suspek na si alyas “Kaloy”, 15-anyos at residente sa Barangay Ugac Norte na nahuli matapos nakawan ang isang sari-sari store sa Barangay Balzain East nitong madaling araw ng Miyerkules, October 16.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lt Isabelita Gano, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao na humingi ng saklolo ang biyenan ng biktimang si Elisa Madriaga matapos naaktuhan ang suspek na nasa loob ng tindahan, dahilan para agad siyang madakip.
Narekober sa suspek ang arinolang may lamang barya na nagkakahalaga ng P740 at siyam ng pakete ng sigarilyo.
Bago pa nito, sinabi ni Gano na paulit-ulit na nilang nahuli ang suspek, kasama ang apat na iba pa na pawang mga menor de edad na kabilang sa grupo dahil sa pagkakasangkot sa mga kaso ng nakawan sa lungsod tulad ng motornapping, akyat-bahay at iba pa.
Gayonman, matapos maimbestigahan ng kapulisan ay itu-turn-over na nila ang mga bata sa City Social Welfare and Development Office para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, susubukang iharap sa inquest proceeding ang nahuling menor de edad upang masuri ng korte kung nararapat ba itong makasuhan dahil sa paulit-ulit na pagnanakaw.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Gano na responsibilidad ng mga magulang ang pagbabantay sa kanilang mga anak.