Ikinabahala ng Municipal Environment Natural Resources Office(MENRO)-Baggao ang pagkakadiskubre ng mga tinistis na kahoy sa nasasakupang lugar.
Ayon kay Frederick Tomas ng MENRO-Baggao naibaba na sa main line ang 451 na board feet ng iba’t-ibang klase ng kahoy maliban pa sa mahigit 300 board feet na naiwan sa kabundukang sakop ng Kilometer 12 sitio Daligadig Brgy. Sta Margarita, Baggao.
Aniya,bukod sa mga naiwang kahoy, may mga bakas rin na may nagsagawa na ng pagputol ng kahoy at una nang naibaba ng mga timber poachers.
Sinabi ni Tomas na kanilang ikinababahala ang patuloy na pagputol ng kahoy dahil karamihan sa mga pinuputol ay mga naturally grown na kahoy tulad ng Narra.
Sa ngayon, nasa tanggapan na ng MENRO ang mga naibabang kahoy habang sisikapin parin dalhin sa main line ang mga naiwang kahoy.
Nabatid na narekober ang mga pinutol na kahoy kasunod ng pagkakatrap ng tatlong forest rangers sa nasabing kagubatan matapos silang paputukan ng mga umano’y timber poachers habang nagpapatrolya sa naturang kagubatan.