Hindi na napigilan pa ni Senador Raffy Tulfo ang kanyang sarili na masabihan ng masamang salita ang Meta Platforms Inc. o mas kilala sa tawag na ‘Facebook’ sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media.

Sa naturang pagdinig, agad na binanggit ni Tulfo kay Meta Public Policy Indonesia and Philippines, Head Berni Moestafa ang kanyang pagkabahala sa hindi pa rin pag-alis ng Meta sa fake news hinggil sa kanya.

Ayon sa senador, ilang beses ng sinubukan ng kanyang staff na i-report sa Meta ang paglalabas ng fake news laban sa kanya pero wala pa ring nangyayari.

Maliban pa rito, inihalimbawa pa ni Tulfo sa mga hindi pa nagagawan ng aksyon o nate-takedown ng Meta ay ang larawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tila nagpapahiwatig na mayroon itong seryosong kondisyon o sakit.

Bilang tugon ni Moestafa, sinabi niya na pinoproseso na nila ang mga request na ito.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa niya, kaya hindi agad nate-takedown ang mga post ay dahil nagkakaroon pa sila ng fact checking at proseso.

Pero ani Tulfo, dapat ang mga nagpost ng fake news ang magpatunay na hindi mali ang kanilang pinost at tama lang ang lamang impormasyon.