Ikinulong si Mexican boxer Julio Cesar Chavez Jr sa northern Mexico state ng Sonora matapos siyang arestohin sa Estados Unidos nitong buwan ng Hulyo.

Ito ay batay sa national arrest registry ng Mexico.

Sinabi ni Mexican President Claudia Sheinbaum sa press conference, na-deport ang 39-anyos na boksingero.

Una rito, sinabi ng Pangulo na may warrant of arrest laban kay Chavez dahil sa mga kasong arms trafficking at organized crime, at tinatrabaho na ng prosecutors ang nasabing kaso.

Tumanggi namang magbigay ng komento ang Mexican attorney general’s office.

-- ADVERTISEMENT --

Ikinulong si Chavez Jr, ang anak ni legendary at dating world champion boxer Julio Cesar Chavez ng U.S. immigration matapos ang pagkatalo niya sa laban kay American-influencer-turned-boxer Jake Paul.

Batay sa alegasyon ng Mexican prosecutors, nagsilbi si Chavez Jr na alipores ng makapangyarihan na Sinaloa Cartel, na itinuring ng Washington na isang foreign terrorist organization nitong unang bahagi ng kasalukuyang taon.

Itinaggi ng abogado at pamilya ni Chavez Jr ang mga nasabing akusasyon.

Batay sa national arrest registry ng Mexico, inaresto ang boksingero sa isang checkpoint sa Mexican border city ng Nogales, at inilipat siya sa federal institution sa Hermosillo, ang kabisera ng Sonora.

Napanalunan ni Chavez Jr ang WBC middleweight championship noong 2011, subalit nawala sa kanya ang titulo nang sumunod na taon.

Nabahiran ng mga kontrobersiya ang kanyang karera kabilang ang suspension matapos na magpositibo sa ipinagbabawal na substance noong 2009, at multa at suspension matapos na magpositibo sa marijuana noong 2013.