TUGUEGARAO CITY- Nasa maayos na kalagayan umano ang mga Filipino na nasa Mexico sa gitna ng banta ng covid-19.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Mexico Demetrio Tuason na wala pang Pinoy na nahawaan ng covid-19 sa Mexico.
Kaugnay nito, sinabi ni Tuason na hinihintay pa nila ang magiging desisyon ng Mexican government kung tatanggalin na ang lockdown sa May 15 o palalawigin pa ito hanggang sa May 30.
Idinagdag pa ni Tuason na nakikipag-ugnayan ang embassy ng Pilipinas sa Mexico sa mga honorary consulate nito sa Belize, Costa Rica, Dominican Republic, Honduras, El Salvador, Guatemala, Nicaragua at Panama para malaman ang kalagayang pangkalusugan ng mga Pinoy sa mga nasabing bansa.
Batay sa datus ng World Health Organization, umaabot na sa 31, 522 ang covid-19 positive sa Mexico kung saan 3, 160 ang mga namatay.