TUGUEGARAO CITY- Inatasan na ni Mayor Joanne Dunuan ng Baggao, Cagayan ang kanilang Municipal Agriculture Office na hanapin ang mga recipients ng mga natengga na mga abono na sinasabing nasayang lang dahil sa nasira ang packaging ng mga ito.

Sinabi ni Dunuan na maaari pang magamit ang mga nasabing abono at ang ginawa ng MAO ay ni-pack para maibigay na sa mga natukoy na mga recipients.

Subalit sinabi niya na kung hindi na interesado ang mga recipients sa mga nasabing abono ay binigyan sila ng pahintulot ng Department of Agriculture Region 2 na ibigay na sa iba o kaya ay maaaring gamitin sa demo farms.

Ayon sa alkalde, batay kasi sa kanyang imbestigasyon, sinabi ng MAO na ang mga nasabing abono ay ibinigay ng DA para sa mga magsasaka na naapektuhan ng pagbaha sa pananalasa ng bagyong Ulysses.

Sinabi niya na inabisuhan naman umano nila ang mga recipients subalit walang pumunta sa mga ito para kunin ang mga nasabing abono sa MAO office.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, inamin ni Dunuan na ang naging pagkukulang ng MAO ay hindi inihatid mismo sa mga recipients ang mga abono at hindi rin nagkaroon ng inventory upang nagawan sana ng agarang aksion sa mga hindi nakuhang mga abono.

Depensa niya na ito ay dahil sa panahong iyon ay nakabakasyon ang kanilang dating MAO na si Maritess Bangngayan dahil sa kanyang sakit kaya hindi na niya ito napagtuunan ng pansin.

Kasabay nito, nagpapasalamat siya sa mga nakapansin sa nasabing problema at ginagawa na nila ito ng paraan para mapakinabangan pa ang mga nasabing abono.

Idinagdag pa ni Dunuan na walang maraming requirements sa pagkuha ng abono na mula sa DA sa halip ay kailangan na enrolled ang isang magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.

Kaugnay nito, ibinato ni Dunuan ang sisi sa sangguniang bayan ang nasabing pangyayari na sila umano ang nagpalabas ng issue.

Binigyan diin niya na hindi ginagawa ng sangguniang bayan ang responsibilidad na tumulong din kung makikitang mga problema sa pamamagitan ng pag-apruba ng mga hinihinging pondo ng executive department.

Ayon sa kanya, kailangan ng pondo para makapaglagay ng mga karagdagang mga tao sa MAO dahil sa apat lang ngayon ang kawani ng nasabing tanggapan na napakarami nilang ngayong trabaho tulad na lamang sa pagtugon sa problema sa African Swine Fever at ang pagtugon sa naging epekto ng bagyong Maring.

v

Bilang tugon, hinamon ni Vice Mayor Rowel Gazmen ng Baggao, Cagayan ang kanilang municipal agriculturist na mag-resign na lamang sa kanyang pwesto kung hindi niya kayang mandohan ang kanyang tanggapan.

Reaksion ito ni Gazmen sa mga nakatambak na mga abono at mga binhi ng palay sa Tallang, San Jose at sa Poblacion batay sa kanyang ginawang pag-iikot.

Ayon sa kanya, nagkalat, tumitigas na at expired na ang mga binhi na dapat sana ay pinakinabangan ng mga magsasaka sa first cropping subalit nabigo ang MAO na maipamahagi ang mga ito sa mga recipients.

Binigyan diin niya na hindi katanggap-tanggap ang naging rason ni MAO Benima Tacla na hindi kinuha ito ng mga recipients na naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Ulysses.

Ayon sa kanya, nagkaroon man lang sana ng inisyatiba ang MAO sa pamamahagi ng mga nasabing ayuda sa mga magsasaka.

Binigyan diin pa ni Gazmen na hindi rason ang kakulangan ng mga tao upang hindi maibigay ang mga nasabing abono at binhi na mula sa Department of Agriculture.

Tugon din ito ni Gazmen sa pagbato sa kanila ng sisi ni Mayor Joanne Dunuan na hindi nakakaya ng Municipal Agriculture Office ang lahat ng kanilang trabaho dahil sa kulang na kulang sa tauhan dahil sa hindi inaaprubahan ang kanyang kahilingan na pondo para makakuha ng job orders.

Ipinaliwanag ni Gazmen na hindi nila inaprubahan ang hinihinging pondo ni Dunuan na P8.8m na pondo para sa job orders dahil sa hindi malinaw kung saan itatalaga ang mga nasabing empleyado.

Sinabi niya na una na silang nag-apruba ng P17m na pondo para sa job orders subalit buwan pa lang ng Hulyo ay naubos na umano ito dahil sa kinuhang maraming job orders.

Nilinaw niya na suportado naman nila ang pagkuha ng job orders hindi lamang sa MAO kundi sa ibang tanggapan subalit ito ay para sa mga special projects.

Ayon sa kanya, ito ay para matiyak na napupunta sa tama ang kanilang pondo.

Binigyan diin pa ni Gazmen na dapat na itigil na ang turuan at sisihan sa nasabing pangyayari sa halip ay magtulungan upang maibigay ang nararapat na serbisyo sa mga mamamayan ng Baggao.

Sinabi niya na hindi tama ang palagiang ginagawa ni Dunuan na kung may lumalabas na mga issue o mga problema ay laging ang sangguniang bayan ang kanyang sinisisi.