photo: Cagayan PIO

Handang-handa nang sumabak sa Regional Invitational Sporting Event (RISE) ang mga atleta ng Cagayan kung saan ay nakatakda silang magtungo sa Cauayan City ngayong araw para sa nasabing palaro.

Ayon kay Edwin Tagal, Sports Coordinator ng Schools Division Office ng Cagayan, nakakondisyon na ang lahat ng mga atletang magtutungo sa Cauayan City matapos ang kanilang in-house training sa Cagayan Sports Complex.

una na rin aniyang nagkaroon ng pagpupulong ang lahat ng mga miyembro ng Technical Working Group upang matiyak na nasusunod ang lahat ng mga inilatag na panuntunan bilang pag-iingat sa kondisyon at kalusugan ng mga delegado laban sa banta ng COVID-19.

Sinabi ni Tagal na dahil mas mahigpit na polisiya ang umiiral sa pagdaraos ng RISE ay hindi maaaring magsabay-sabay na pupunta sa Cauayan City ang mga atleta dahil hindi sila maaaring magkumpulan sa billeting area.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga atletang hindi muna maglalaro sa unang araw ay maiiwan sa Sports Complex ng Cagayan at susunod nalamang pag may schedule na ang kanilang laro habang ang mga matatapos na sa laro ay uuwi naman dito sa Cagayan.

Kasama rin aniya ng Team Cagayan ang mga itinalagang Medical Personnel upang matiyak ang regular na monitoring sa kondisyon ng kalusugan ng mga manlalaro.

Maaalalang ang mga pinayagan lamang na makasama sa RISE ay ang mga mag-aaral na atletang mula sa secondarya na fully vaccinated at hindi na muna isinama ang mga nasa elementarya bilang bahagi na rin ng pag-iingat na mailayo sila sa banta ng COVID-19.