Nakakaranas umano ng heat stroke at nangangayayat na ang mga baboy sa gitna na rin ng mataas na heat index sa buong bansa dahil sa El Niño.

Sinabi ni Alfred Ng, vice chair ng National Federation of Hog Farmers Inc., na mula sa average na 115 hanggang 120 kilos na bigat ng mga baboy, bumaba ito sa 90 hanggang 100 kilos.

Dahil dito, sinabi ni Ng na napipilitan ang hog farmers na ibenta ang mga baboy sa kabila na mababa ang timbang ng mga ito dahil sa mataas na presyo ng feeds.

Ayon sa kanya, kahit na pakainin ang mga baboy ay kokonti lang ang kinakain ng mga baboy dahil sa mataas na heat index kaya hindi rin sila lumalaki.

Sinabi din niya na may mga baboy din na namatay dahil sa heat stroke.

-- ADVERTISEMENT --

Gayonman, hindi nagbigay si Ng kung ilang porsiyento ng mga baboy ang apektado ng matinding init.

Tiniyak din niya na may sapat na supply ng karne ng baboy, at inaasahan nila tataas ang hog production sa 10 hanggang 15 percent ngayong taon.