Tuguegarao City- Umabot sa 2,103 ang kabuuang bilang ng mga aspiring lawyers na pumasa sa katatapos na 2019 Bar Examination.

Batay sa datos ay nasa 27.36% mula sa kabuuang bilang ang pumasa sa naturang pagsusulit.

Kaugnay nito, malaki ang pasasalamat ng mga mapalad na pumasa sa kabila ng hirap ng pinagdaanan bago maging ganap na abugado.

Sa panayam kay Atty. Harlie Umoso, mula sa Brgy. San Gabriel dito sa lungsod, hindi aniya siya makapaniwalang isa siya sa mga mapalad na pumasa dahil sa hirap ng examinasyon.

Inihayag ni Umoso na hindi biro ang mga pinagdaanang hirap sa pagsalang ng exam dahil unang araw palamang ay dama na siya ng sama ng ng pakiramdam.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, naging inspirasyon nito ang kanyang mga magulang, kapatid at kamag-anak upang kayanin lahat ng mga pagsubok na pinagdaanan mula ng siya ay nag-aaral hanggang sa ganap na maging abogado.

Samantala, hindi rin umano makapaniwalang napasama sa mga pinalad na pumasa sa pagsusulit si FO3 Anafel Olalia Omoso ng Fire and Safety Enforcement Division ng BFP region 2.

Paliwanag nito, habang nasa kalagitnaan ng pagsusulit ay gusto na niyang sumuko dahil sa hirap ng examinasyon.

Ngunit, aniya ay hindi siya nawalan ng pag-asa dahil pamilya nito ang naging sandigan upang lakasan ang loob na magpatuloy sa exam.

Inihayag din nito na isa sa matinding kinaharap niya ay ang “psychological health” kung saan ay kailangang labanan ang stress at takot na naramdaman bago ang pagsusulit.

Sa ngayon ay malaki naman ang pasasalamat ng dalawang pumasa mula sa Cagayan sa Panginoon at nangakong ibibigay ang karapatdapat na suporta at tulong sa mga taong nangangailangan lalo na sa tawag ng kanilang tungkulin bilang ganap na abogado.