Ipinakilala na ng Department of Agriculture Region 2 ang bagong breed ng manok, ang dados black at dados barred.

Sinabi ni Ferdinand Arquero, Asst. Regional Livestock Focal Person na limang taon nilang pinag-aralan at dinevelop ang nasabing breed ng manok.

Ayon sa kanya, ang dados black ay mula sa 4 crossway breed na mabilis lumaki na ibig sabihin na ito ay magandang source ng chicken meat habang ang dados barred naman na 3 way cross breeding ay mabilis at madami kung mangitlog kumpara sa native chicken.

Sinabi pa ni Arquero na hindi na kailangan ang incubator para sa pagpapalaki sa mga ito at matibay din sila sa sakit at heat stress.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Arquero, ginawa nila ang pag-aaral sa nasabing manok upang magkaroon din ng sariling breed ang Region 2 tulad sa ibang rehiyon na may darak at iba pa.

Sinabi niya na nakapagbigay na rin sila ng nasa 700 na dalawang buwang gulang ng mga nasabing manok sa mga asosasyon na may kapasidad na mag-alaga ng mga manok para pagpaparami.

Idinagdag pa niya na ang mga nasabing manok din ang ibibigay sa mga magsasaka na maapektuhan ang kanilang livestock dahil sa kalamidad upang makabawi ang mga magsasaka sa kanilang pagkalugi.