Nagsagawa ang China Coast Guard ng water cannon attacks at binangga ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsasagawa ng maritima patrol sa bisinidad ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Commodore Jay Tarriela, spokesman ng Philippine Coast Guard (PCG)for the West Philippine Sea, ang una sa dalawang water cannon attacks ng CCG 3302 ay direktang pinuntirya ang navigational antennas ng barko habang ito ay nasa 16 nautical miles sa timog ng Bajo de Masinloc.
Ayon kay Tarriela, nagsasagawa ang BFAR at PCG ng routine maritime patrol sa lugar nang maengkwentro nila ang agresibong aksiyon mula sa China Coast Guard vessels.
Kaninang 6:00 ng umaga, pinasabugan ng water cannon ang barko ng BFAR, ang BRP Datu Pagbuaya.
Kasunod nito ay sinadya ng barko ng China ang pagsagi sa BRP Datu Pagbuaya sa bahagi ng starboard nito, na sinundan ng isa pang water cannon sa kaninang 6:55 a.m.
Idinagdag pa ni Tarriela na nakaranas din ang mga barko ng PCG ng forced blocking, shadowing, at mapanganib na manuevers mula sa People’s Liberation Army Navy vessel 500 at CCG 503.
Isa sa nakaranas ng harrassment na barko ng PCG ay ang BRP Teresa Magbanua, na halos limang buwan nang nakatalaga sa pinag-aagawan na Escoda Shoal sa gitna ng presensiya ng Chinese vessels.
Nakaranas naman ng reckless manuevers ang BRP Cabra, ang patrol vessel ng PCG mula sa isa pang China Coast Guard ship sa layo na 300 yards.
Sinabi ni Tarriela, kabuuang apat na CCG veseels at dalawang PLA Navy ships ang sangkot sa insidente.