TUGUEGARAO CITY-Kasalukuyan nang tinatanggal ang mga barong-barong ng mga mangangalakal ng basura sa paligid ng dumpsite sa Tuguegarao City.
Sa tulong ng ilang staff ng pamahalaang panlungsod at mga kagamitan tulad ng dumptruck ay inaasahang matatanggal ang mga barong-barong ng mga nakatira sa lugar hanggang sa katapusan ng buwan.
Ayon kay Atty. Noel Mora, head ng City Environment and Natural Resources Office na binigyan nila ng hanggang katapusan ang mga nakatira malapit sa dumpsite.
Ito aniya ay upang mailayo sa panganib sa kanilang kalusugan ang mga nasabing mamamayan lalo na ang mga kasama nilang mga bata.
Bukod dito, sinabi ni Mora na kailangan din na gawin ito upang makatugon ang LGU Tuguegarao sa isa sa requirement upang makuha ng lungsod ang Seal of Good Local Governance.
Sinabi ni Mora na 15 bahay ang pinagtutulungang tanggalin sa lugar.
Ayon sa kanya, ang mga ito ay mula sa ibang bayan tulad na lamang sa Iguig.
Dahil dito, sinabi ni Mora na nakipag-ugnayan na rin si Mayor Jefferson Soriano sa alkalde ng Iguig upang bigyan ng livelihood ang mga maaapektuhan sa pagtatanggal ng mga mamamayan na nakatira malapit sa dumpsite.