TUGUEGARAO CITY-Naglatag na rin ng checkpoint ang mga iba’t-ibang bayan sa Probinsiya ng Cagayan para masiguro na hindi mapasukan o maapektuhan ng African Swine Fever (ASF) ang kanilang mga bayan.

Ayon kay Dr. Arnel Perez, Officer-In-Charge ng Provincial Veterinary Office, ang bayan ng Baggao, Claveria maging dito sa lungsod ng Tuguegarao ay nakapaglatag na ng checkpoint para masawata o mapigilan ang pagpasok ng mga alagang baboy na walang kaukulang permit.

Aniya, bagamat ASF free ang rehiyon, hindi pa rin nagpapakampante ang kanilang tanggapan para masiguro na hindi maapektuhan ng ASF ang probinsya.

Kaugnay nito, nanawagan si Perez sa publiko na kung mayroong insidente ng pagkamatay ng mga alagang hayop lalo na ang mga baboy ay agad ipagbigay alam sa kanilang tanggapan para agad masuri.

Samantala, patuloy pa rin ang pagbabantay ng provincial veterinary office sa mga entry points kung saan ilan umano sa mga kanilang mga tauhan ay tumulong na rin isinasagawang checkpoint partikular sa bayan ng Sta. Praxedes.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ay para masiguro pa rin na walang makakapasok na karne ng baboy at alagang baboy sa probinsiya na maaaring apektado ng ASF.

Ayon kay Perez, maging sa mga paliparan at pantalan ay mahigpit na rin ang kanilang pagbabantay.