TUGUEGARAO CITY-Umaapela ng mga magagamit na higaan gaya ng kumot at banig ang mga nasalanta ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo sa mga biktima ng pagbaha, maliban sa pagkain, nangangailangan din sila ng damit lalo na para sa mga bata.
Ayon kay Avelina Andal ng Brgy. Carig Norte, Tuguegarao City na basa ang lahat ng kanilang mga gamit kung kayat wala silang matutulugan.
Lalo na aniya at wala silang flooring kung saan muli nila itong nilagyan ng buhangin matapos na inanod ng tubig baha.
Kuwento naman ni Sheryl Bonifacio ng Tuguegarao City na mabilis ang pagtaas ng level ng tubig kung kayat hindi na nila naisalba ang ilan sa kanilang gamit na inanod na ng tubig.
Panawagan niya na sana ay may magbigay ng diaper para sa kaniyang maliit na anak at damit.
Ayon naman kay Denis Balisi ng Brgy. Linao Norte, na ilang araw na silang nakatira sa bubong ng kanilang bahay dahil lubog pa rin sa tubig baha ang kanilang bahay.
Maliban sa pagkain at tubig, nangangailangan ang mga ito ng kumot at damit dahil basa ang kanilang mga gamit.
Aniya, tinitiis nila ang lamig sa kanilang bubong habang hindi pa humuhupa ang tubig.
Samantala, iba’t-ibang grupo naman ang namimigay ng relief goods sa mga binahang residente. with reports from Bombo Marvin Cangcang