
Emosyonal na nanawagan ng tulong ang mga pamilya ng nasunugan na pawang magkakamag-anak sa Brgy. Pengue Ruyu, Tuguegarao City nitong hapon ng Miyerkules, June 17, 2026.
Ayon sa isa sa mga nasunugan na si Ginang Emma Badajos, dalawampung indibidwal ang apektado mula sa limang bahay na nasunog kung saan dalawa ang tuluyang nawasak.
Lahat aniya ng kanilang pinag-ipunan sa loob ng maraming taon, kabilang na ang mga kagamitan, paninda at cash ay nawala sa isang iglap lamang.
Sinabi ni Badajos na una umanong nakaamoy ng nasusunog na plastic ang kanyang kapatid bago pa lumaki ang apoy at pagtingin sa bintana ay nagliliyab na ang apoy at may narinig pa silang pagsabog mula sa linya ng kuryente.
Marami sa kanila ang hindi nakalabas ng anumang gamit at napilitang lumikas agad dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy sa mga bahay na gawa sa light materials.
Agad namang nagtulungan ang mga residente gamit ang bucket relay habang hinihintay ang pagdating ng mga bumbero kung saan isa ang nasugatan sa kamay.
Dagdag pa ni Badajos na agad din dinala sa pagamutan ang isang bed ridden na kamag-anak na naapektuhan sa nasabing sunog.
Nakatanggap na rin ng paunang tulong mula sa lokal na pamahalaan at mga opisyal ng barangay ang mga biktima, ngunit kulang pa ito para sa kanilang pangangailangan.
Nananawagan si Badajos at ang iba pang apektadong pamilya sa mga may mabuting kalooban para sa anumang tulong gaya ng kagamitan o pangunahing pangangailangan upang makabangon mula sa trahedya.
Sa ngayon, patuloy pa ring sinusuri ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kabuuang halaga ng pinsala at ang posibleng pinagmulan ng apoy.





