Hinuli ang isang Israeli na 50-anyos sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dahil sa illegal possession of firearms.

Ayon sa Aviation Security Group (AVSEGROUP) ng Philippine National Police (PNP), nadiskubre ng mga awtoridad ang mga binaklas na bahagi ng mga armas at mga bala sa cchecked-in luggage ng Isareli.

Kinilala ng PNP AVSEGROUP ang dayuhan na isang defense consultant at military reservist mula sa Jerusalem, kung saan paalis siya papuntang Dubai na may connecting flight sa Tel Aviv.

Nadiskubre ang mga nasabing armas nang makita ng X-ray operator ang imahe sa isinagawang routine screening.

Agad na isinumbong ito sa Baggage Inspector at naka-duty na PNP AVSEGROUP personnel, na nagsagawa ng manual inspection sa presensiya ng suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga nakuhang mga bagay sa kanyang bagahe ang maraming binaklas na mga bahagi ng mga armas tulad ng 5.56mm rifle, isang .22 caliber revolver frame at cylinder, isang .45 magazine, at ilang kahon ng mga bala.

Nabigo ang suspek na magpakita ng legal documents na nagbibigay sa kanya ng otorisasyon na magdala at magbiyahe ng mga nasabing bagay.

Dinala ang dayuhan sa NAIA Police Station 3 para sa karagdagang interogasyon at paghahain ng kaukulang kaso.