TUGUEGARAO CITY-Pinaiimbestigahan sa Commission on Audit (COA) at department of interior and local government o dilg ang umano’y overpriced na pagbili ng thermal scanner at iba pang medical supplies ng local Government unit (LGU)-Tabuk City.
Ayon kay Vice Mayor Bernard Glenn Dao-as ng Tabuk City, nabili ang isang thermal scanner o temperature gun ng P12,000 gayong nasa P4,300 lamang maging ang N95 face mask na mabibili lamang sa P100 kada piraso ay nabili nila ito ng P513 at iba pang mga medical supplies.
Napatunayan ni Vice mayor Dao-as na lahat ng kanilang nabili na medical supplies laban sa covid-19 ay overpriced nang sumulat siya sa accounting office para bigyan siya ng kopya ng voucher.
Bago nito, humingi rin ng kopya ang bise alkalde ng DOH at DTI medical price kung kaya’t nakita nito na malaki ang deperensiya sa kanilang pagbili.
Kaugnay nito, nasa P58M ang kanilang nailabas na pondo sa pagbili ng mga medical supplies kasama na ang naipamigay na relief goods sa kanilang mga residente gayong kalahati lamang sana ng nasabing halaga ang kanilang inaasahang magagastos.
Maging ang mga biniling relief goods na para umano sa mga residente ay overpriced din.
Sumulat na rin siya sa sanguniang panlalawigan ng kalinga para magsagawa ng kaukulang imbestigasyon sa di umano’y anomalya sa paggamit ng pondo ng Tabuk na nakalaan para maibsan ang epekto ng covid 19.
Pinayuhan naman ng bise alkalde ang mga kasamahan niyang opisyal sa kanilang lugar na huwag papatali sa leeg sa mga opisyal na pansarili lamang ang iniisip sa halip ay makipagtulungan laban sa covid-19 pandemic.