Binabatikos ang isang Chinese aquarium matapos na palitan ang totoong pating ng life-size robotic version na kuhang-kuha ang itsura at galaw ng nasabing marine animal.
Noong October 1, muling binuksan ang Xiaomeisha Sea World sa Shenzhen, China para sa mga bisita matapos ang limang taon na isinara para sa renovation.
Umabot sa 100,000 ang bumisita sa nasabing marine park sa unang linggo ng pagbubukas nito, subalit nabahiran ang nasabing financial success ng kontrobersiya dahil sa isa nilang attractions, ang robotic whale.
Ayon sa ilang report mula sa Chinese media, marami sa mga bisita ang nadismaya nang makita ang isang whale shark na lumalangoy sa malaking aquarium ay man-made, at hindi tunay, lalo na at hindi raw sila sinabihan ng may-ari na wala silang makikita na totoong mga pating.
May iba na nagsabi na hindi gaanong malaki ang lugar at ang mga pating ay artificial.
Dahil dito, may ilan na humingi ng refund sa kanilang ibinayad.
Nagpaliwanag naman ang Xiaomeisha Sea World na namuhunan sila ng milyon-milyon na yuan sa robotic whale shark upang hindi nila malabag ang Chinese animal protection laws na nagbabawal sa kalakaran ng whale sharks.
Sinabi pa ng kumpanya na wala silang intensiyon na lokohin ang mga bisita, sa halip ay nag-alok sila ng technologically-advanced alternative.
Ang nasabing artificial whale shark ay may habang 5 meters, may bigat na 350 kilograms, lumalangoy, lumulutang, nagda-dive at nabubuksan ang kanyang bunganga na parang sa totoong pating.