Hinimok ni Fr. Gary Agcaoili ng Saint Vincent Ferrer Parish Solana ang mga botante na dapat maging mabusisi sa pagpili sa mga kandidatong iluluklok sa panunungkulan ngayong eleksyon.
Sinabi niya na ang mga opisyal ng barangay ang mangunguna sa pagtiyak sa kapakanan ng buong komunidad kayat dapat na siguruhing marunong sa kanilang mandato ang dapat paupuin sa puwesto.
Halimbawa na lamang aniya dito na dapat alam ng isang manunungkulan ang kaniyang magiging trabaho sa ehekutibo, lehislatura, pagpapatupad ng batas at iba pang abilidad na dapat taglayin sa panunungkulan na hindi napipilitang maglingkod.
Mahalaga din aniyang dapat piliin ang may mga integridad at marunong tumulong sa totoong nangangailangan na hindi inuuna ang pansariling kapakanan at hindi nasisilaw sa pera na magreresulta sa korapsyon.
Binigyang diin niya na dapat alam ng mga tumatakbong kandidato ang pagpapatupad ng Basic Local Government Unit sa barangay upang hindi rin masayang ang tiwalang ibibigay sa kanila ng taong bayan sakali na sila ay manalo ngayong halalan.
Paalala niya sa publiko na huwag magpapasilaw sa pera at huwag magtiwala sa mga kandidatong bumibili ng boto upang hindi makapagluklok ng mga kandidato na hindi naman magtatrabaho para sa kapakanan ng publiko.