Pansamantalang itinigil ang pagboto sa polling center sa bayan ng Bangued, Abra kaninang umaga dahil sa pagpapaputok ng baril.
Ayon sa pulisya, dalawa ang dinala sa ospital matapos magtakbuhan ang mga tao dahil sa mga putok ng baril malapit sa Sagap Elementary School sa Barangay Sagap kaninang 7 a.m. na nagdulot ng panic sa mga botante.
Matapos ang ilang minuto ay itinuloy din ang pagboto sa nasabing lugar.
Ayon sa barangay kapitan, nangyari ang pagpapaputok ng baril nasa 200 metro ang layo, malapit sa ilog, at hindi sa loob ng compound ng eskwelahan.
Sinabi naman ng pulisya na una rito, may nakita silang maraming lalaki na nakasuot ng puting damit na lumabas mula sa dalawang sasakyan at kumuha ng videos sa eskwelahan, subalit wala naman umano silang dalang mga armas.
Dahil dito, mas hinigpitan ang pagbabantay ng mga awtoridad sa nasabing polling center.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung sino ang mga nagpaputok ng baril at kung may pinuntirya na mga biktima o tinamaan ng ligaw na bala.
Ang dalawang biktima na dinala sa pagamutan ay nagtamo ng tama ng baril sa kanilang balikat at likod.