TUGUEGARAO CITY-Inaalam na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga kalansay na may tatlong bungo na natagpuan sa bulubunduking bahagi ng Sitio Caburuan, Barangay Santa Clara, Gonzaga, Cagayan.
Una rito, isang residente sa lugar ang nakakita sa mga kalansay nang magtungo sa bulubunduking bahagi ng lugar para manguha sana ng panggatong.
Ayon kay P/Lt Orlan Capili ng PNP-Gonzaga, nakita ang mga kalansay at tatlong bungo malapit sa mga malalaking bato na agad namang dinala sa kanilang himpilan.
Aniya, sa kanilang isinagawang imbestigasyon, posibleng ang nahanap na kalansay ay ang mga guwardiya ng cagayan state university (CSU)-Gonzaga campus na sina Agustin Interio , Baltazar Sabiano , Eulice Peralta pawang residente ng Barangay Flourishing na nawala at umano’y dinukot ng mga hinihinalang New Peoples Army (NPA)noong 1984.
Kaugnay nito, sinabi ni Capili na kumuha na sila ng DNA sample sa mga kamag-anak ng mga nasabing gwardiya at kasalukuyan ang ginagawang cross matching examination para makumpirma kung sila nga ba ang mga nawawalang indibidwal.
Nabatid na hindi madalas puntahan ng mga tao ang bulubunduking bahagi ng lugar dahil malayo ito sa kabahayan at malalaki ang mga bato.
Samantala, sinabi ni capili na posibleng tumutugma ang taon batay sa itsura ng mga natagpuang kalansay.