Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na mga buto ng tao ang natagpuan sa Taal Lake noong Huwebes, Hulyo 17, 2025, sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa pagkawala ng 34 na sabungeros.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, apat na sako ang narekober ng mga awtoridad sa lugar na itinuro ng whistleblower na si alyas “Totoy” — dalawa sa mga ito ay naglalaman ng mga buto, habang ang dalawa naman ay may lamang buhangin.
Ang operasyon ay isinagawa sa isang tiyak na quadrant ng lawa na sinasabing ginagamit bilang tapunan ng mga bangkay.
Ayon sa PNP Forensic Group, anim sa 91 piraso ng buto na nakuha mula sa Taal Lake ang hinihinalang mula sa tao.
Kasalukuyang isinasailalim ang mga ito sa forensic at DNA examination upang matukoy kung alin sa mga ito ang maaaring tumugma sa DNA samples ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungeros.
Ayon sa mga forensic expert, hindi maaaring iproseso ang samples mula sa pamilya kung walang makuhang DNA profile mula sa mga narekober na buto.
Bukod sa mga buto mula sa lawa, tatlong bangkay rin ang nahukay sa isang pampublikong sementeryo sa Laurel, Batangas noong Miyerkules, Hulyo 16, 2025.
Ayon kay Remulla, may indikasyon na konektado rin ito sa e-sabong dahil ang mga ito ay mula sa mga indibidwal na nawala sa Lipa.
Isa sa mga bangkay ay posibleng babae base sa mga personal na gamit na narekober, kabilang ang panloob na pambabae.
Patuloy ang operasyon habang binabantayan din ang aktibidad ng Bulkang Taal para sa kaligtasan ng mga tauhan.