Maghahain si Senate Committee on Games and Amusement Chairman Erwin Tulfo ng resolusyon para maimbestigahan at papanagutin ang mga casino na nagbulag-bulagan sa posibilidad ng money laundering na ginawa ng ilang mga government officials gamit ang pera ng taumbayan.
Duda si Sen. Erwin na hindi alam ng mga casino na mga taga-gobyerno o opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First Engineering District ang nagsusugal sa kanila at gumagamit ng mga pekeng ID.
Iginiit ni Sen. Erwin na hindi pwedeng ikatwiran ng mga casinos na hindi nila ito alam dahil laging ipinagmamalaki ng mga casino na mahigpit na ipinapatupad ang “know your client” o KYC policy.
Nagtataka rin ang mambabatas dahil hindi man lang nagduda at itinimbre sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang napakalaking halaga ng cash na dinadala ng mga DPWH officials sa casino linggo-linggo.
Wala rin aniyang imbestigasyon o pagsusuring ginawa kung ano ang trabaho ng mga ito para makapagpatalo ng napakalaking halaga ng pera gayong hindi naman mga tycoons at bilyonaryo ang mga ito base sa kanilang mga pekeng IDs.
Tingin pa ni Tulfo, mas pinili ng mga casino na manahimik dahil malaking pera ang dala ng mga DPWH Bulacan at malaking income ito para sa casino.