
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad bayaran ang mga contractor na maayos ang paggawa at tumutupad nang tama sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno.
Ang direktiba ay ibinigay ng Pangulo sa naging pulong nito kasama ang economic team noong Byernes, kasabay ng utos na pabilisin ang pagpapatupad ng mga proyekto para makatulong sa pag galaw ng ekonomiya.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inatasan din ng Pangulo ang mga ahensya na tutukan ang mabilis at maayos na konstruksyon ng mga imprastruktura at tiyaking walang aberya sa pagbabayad sa mga contractor na sumusunod sa kontrata.
Kailangan din daw ang magandang koneksyon at ugnayan sa pagitan ng national at local government units para mabantayan at matapos nang tama ang mga infrastructure projects.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na detalye ang Palasyo kung magkano ang kabuuang halagang kailangang bayaran ng mga ahensya ng gobyerno sa mga private contractors.
Nauna nang iniutos ng Presidente na magsumite ang mga ahensya ng pamahalaan ng progress report kada dalawang linggo upang masubaybayan ang estado ng mga nagpapatuloy na proyekto.










