Pinadalhan na ng show cause order ng Commission on Elections (Comelec) ang mga government contractor na sinasabing nagbigay ng donasyon sa mga kumandidato noong 2022 elections.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na kasabay ng pagpapatawag sa kanila ay inaasahang magsusumite na rin ang mga ito ng kanilang counter affidavit.

Layon aniya nito na hingin ang kanilang panig at ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat makasuhan ng paglabag sa Omnibus Election Code partikular sa pagbibigay ng donasyon kahit government contractors.

Ayon kay Garcia, kahapon nagsimulang magpadala ng show cause order sa 27 contractor na nagdonate sa mga kandidato batay na rin sa isinumiteng Statements of Contributions and Expenditures ng mga ito matapos ang halalan.

Pagkatapos pagpaliwanagin ng mga contractor, saka pa lamang ipapatawag ang mga kumandidato na tumanggap para hingin ang kanilang depensa.

-- ADVERTISEMENT --

Kailangan aniya na matiyak ang due process upang maging matibay ang mga pagbabatayan ng kaso sakaling mapatunayang may naging paglabag noong halalan.

Itinakda naman sa November 21 ang pagdinig ng Comelec.